Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na mayroong hawak na video ang testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ sa mga impormasyong ibinunyag hinggil sa mga nawawalang sabungero.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, matibay ang hawak na ebidensya ni alyas ‘Totoy’ upang mapatunayan ang mga ibinahagi nito sa kanya.
Aniya’y hindi lamang basta testimonya ang kanyang isinawalat, kundi mayroon pang mga dokumento na siyang susuporta sa mga impormasyon.
Dagdag pa ng kasalukuyang kalihim, hindi lamang ito basta katibayan sapagkat hawak at ibinahagi din ni alyas ‘Totoy’ ang video na nagpapakita ng katotohanan sa kanyang mga sinasabi.
Maalala na unang ibinunyag ng naturang testigo na ang mga nawawalang sabungero ay patay na at inilibing pa ang mga bangkay sa Taal Lake.
Matatandaan din na ibinahagi naman ni Justice Secretary Remulla na kanyang matagal ng nakausap si alyas ‘Totoy’ kaya’t kanila na raw itong masusing iniimbestigahan.
Bunsod nito’y pinag-aaralan ang posibilidad na kunin ang naturang testigong lumantad upang gamitin bilang isang ‘state witness’ sa kasong pagkawala ng mga biktimang sabungero.
Ibinahagi pa ni Justice Secretary Remulla na napakinggan mismo niya ang video na hawak ng testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.
Dito ay kanyang isinawalat na kaya umanong panghimasukan ng ‘mastermind’ maging ang hudikatura o Korte Suprema ng bansa hinggil sa kaso.
Kaya’t tinanong mismo ng Bombo Radyo Philippines kay Secretary Remulla kung sino ang napakinggan na boses ng ‘mastermind’ ito ang kanyang naging kasagutan.