-- Advertisements --

Posible umanong mas mahina ang bribery allegation kumpara sa iba pang impeachment article na iprinisenta ng House Prosecution panel.

Para sa law professor na si Atty. Lulu Reyes, malinaw at mabigat na ang mga naipresenta ng House panel mula sa threat article hanggang sa kasalukuyang article na umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ni VP Sara Duterte.

Sa apat na articles of impeachment, ang bribery allegation aniya ang maituturing na pinakamahinang alegasyon, lalo na at walang direktang nagturo na si mismong VP Sara ang nagbigay o nag-abot ng cash sa mga opisyal ng DepEd na maituring bilang bribe money o suhol.

Ang naturang article ay may kaugnayan sa umano’y pagbibigay ni VP Sara ng cash envelopes na naglalaman ng P25,000 hanggang P50,000 kada buwan, sa mga opisyal ng DepEd noong siya pa ang kalihim ng naturang ahensiya.

Una itong nabunyag sa pagdinig ng House Committee on Public Accountability kung saan tumestigo si dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil Mercado at sinabing nakatanggap siya ng siyam na magkakahiwalay na envelop habang siya pa ang Head of Procuring Entity (HOPE).

Posible rin aniyang hindi handang tumestigo ang iba pang mga opisyal ng DepEd o maaaring nagbago ang pananaw ng prosecution matapos suriin ang iba pang ebidensya ukol sa naturang artikulo.

Kahapon (Oct. 9) nang tuluyang nagdesisyon ang House panel na hindi na iprepresenta ang bribery article at tatapusin na ang kaso sa umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan ni VP Sara Duterte.