-- Advertisements --

Idinadaing na ng mga mangingisda sa Taal Lake ang umano’y labis na pagkalugi kasunod ng pagkakabunyag sa umano’y labi ng mga pinatay na sabungero na itinapon sa naturang lawa.

Ayon kay Laurel town Mayor Lyndon Bruce, biglang bumaba ang bentahan ng mga isda sa naturang lugar matapos mabunyag ang isyu, at nagpatuloy pa rin ang mababang bentahan hanggang sa ngayon.

Marami aniya sa mga konsyumer ang may negatibong impresyon sa mga isdang nahuhuli sa naturang lawa at mas pinipiling hindi na bumili ng mga isdang nahuhuli rito.

Nararamdaman na aniya ng mga lokal na mangingisda ang epekto nito sa loob ng ilang araw mula noong pumutok ang naturang isyu.

Sa kabila nito, patuloy na hinihikayat ng alkalde ang mga konsyumer na tangkilikin ang mga isdang nahuhuli lamang sa lugar dahil nananatiling malinis ang mga ito.

Nanindigan din ang alkalde na kung totoo mang may mga itinapong bangkay sa naturang lawa apat na taon na ang nakakalipas, ang mga naturang labi ay tiyak na matagal nang nabulok at hindi na magiging banta sa kalusugan.

Matagal na panahon na aniya ang 2020 o 2021 kung kailan pinaniniwalaang nangyari ang mga naturang insidente.

Ang Taal Lake ang isa sa mga pangunahing pinagkukuhanan ng mga isda tulad ng tilapia at bangus kung saan isinusuply din ang mga ito sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Calabarzon Region.

Ang naturang lawa rin ang tanging nagsusuply ng sikat na isdang tawilis.