Ibinunyag ng Department of Justice na hindi lamang basta isang pang-ordinaryong indibidwal ang ‘mastermind’ sa likod ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.
Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na mabigat umano ang kalaban sa kasong ito bunsod ng kanyang lawak na kayang maimpluwensiyahan.
Aniya’y maging ang hudikatura o kataastaasang hukuman na Korte Suprema ay kaya rin daw panghimasukan sapagkat hindi raw biro ang perang hawak-hawak nito.
Ito raw ay mula sa pera ng ‘mastermind’ sa pagiging kabahagi o may kaugnayan sa kalakaran ng e-sabong kaya’t hindi basta basta ang kakayanan nito.
Dahil rito ay kakausapin at makikipag-ugnayan si Justice Secretary Remulla sa Korte Suprema, partikular kay Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil sa naturang isyu ng kaso.
Maalala na una ng ibinahagi ni Justice Secretary Remulla ang sinabi ng testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’ na pinatay at inilibing na umano sa ‘Taal Lake’ ang mga biktima.
Aabot rin aniya sa bilang ng nasa higit 100 ang mga sabungerong biktima sa mga pagkawala o pagdukot na unang napaulat, apat na taon ang nakalipas.
Ngunit magsapahanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba ang kaso at wala pa ring katiyakan sa kung ano ang sinapit ng mga sabungero.