Ipinatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang Heightened Alert sa lahat ng international airports at seaports sa buong bansa.
Layon ng hakbang na ito na ay resulta ng pagpapalabas ng Sandiganbayan ng mga Warrants of Arrest laban kay dating Representative Elizaldy Co, at labing-limang iba pang indibidwal kamakailan.
Inilagay na rin ng ahensya ang mga pangalan ng lahat ng indibidwal na sangkot sa kaso sa centralized derogatory database ng BI na layong maipatupad agad ang pag-flag at pagsuri ng maigi sa kanilang mga dokumento kung sakaling magtangka silang umalis o pumasok sa teritoryo ng Pilipinas.
Bukod pa rito, inatasan din ang lahat ng Immigration officer na agad na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para sa agarang pagpapatupad ng mga warrant of arrest, sakaling ma-intercept ang mga nasabing indibidwal sa alinmang pantalan o paliparan sa bansa.
Batay sa inilabas na datos ng BI , napag-alaman na apat sa labing-anim na pangalan na nasa listahan ng Sandiganbayan ang kasalukuyang nasa labas ng bansa.
Kabilang dito si dating Representative Elizaldy Co, na bumiyahe patungong Singapore noong ika-6 ng Agosto. Kasama rin sa listahan si DPWH OIC–Planning and Design Division Chief Montrexis Tamayo, na lumipad naman patungong Qatar noong ika-15 ng Nobyembre.
Bukod pa sa kanila, dalawang opisyal ng Sunwest Inc. ang natukoy na nagtungo sa Australia at United Arab Emirates noong ika-2 ng Oktubre.
Tiniyak ng Bureau of Immigration sa publiko na sila ay aktibong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang law-enforcement agencies sa bansa, upang masiguro ang maayos at mabisang pagpapatupad ng mga warrant of arrest sa oras na ang mga nabanggit na indibidwal ay bumalik sa Pilipinas.














