Ipinaliwanag ni Philippine Competition Commission (PCC) Chairman Michael Aguinaldo ang sistema kung paano mababawi ng pamahalaan ang pera ng taumbayan mula sa mga kontratistang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Chairman Aguinaldo, maaaring mamultahan ng P110 hanggang P250 milyon bawat proyekto ang mga kontratistang mapapatunayang sangkot sa “bid rigging.” Ang bid rigging ay isang uri ng pandaraya kung saan nagkakasundo ang mga kontratista sa presyo ng kanilang bid upang manipulahin ang resulta ng bidding, sa halip na magsumite ng kani-kaniyang independiyenteng alok sa pamahalaan.
Matatandaang noong Oktubre 3 ay nagsampa ng kaso ang Department of Public Works and Highways (DPWH) laban sa limang kontratista dahil sa umano’y bid rigging, batay sa ebidensyang nakalap ng PCC. Kabilang sa mga ito ang Wawao Builders, IM Construction Corp., Syms Construction Trading, at ang pag-aari ng mga Discaya na St. Timothy Construction Corp. at Sunwest Inc., na napatunayang may mga substandard na proyekto.
Kung mapapatunayan ng PCC ang pandaraya sa bidding, tinatayang aabot sa P2.3 bilyon ang maaaring mabawi o kailangang bayaran ng mga nasabing kontratista sa gobyerno.