-- Advertisements --

Nilinaw ni Bicol Saro Rep. Terry Ridon, kasalukuyang Co-Chair ng House Infrastructure Committee at miyembro ng House Foreign Affairs Committee, na walang kapangyarihan ang Department of Foreign Affairs (DFA) o ang kalihim nito na basta-basta na lamang magkansela ng pasaporte ng isang Pilipino nang walang utos mula sa korte.

Ayon kay Ridon, malinaw ang nakasaad sa Section 10 ng Philippine Passport Act  kinakailangan ng court order para maikansela ang pasaporte ng isang taong nahatulan sa kriminal na kaso, isang pugante, o hinihinalang terorista.

Paliwanag ni Ridon na walang probisyon sa ating batas na nagpapahintulot sa DFA na unilaterally o mag-isa lamang na magkansela ng pasaporte kahit na ito ay sa ngalan ng ‘national security.

Dagdag pa ng Kongresista, kailangang sabay na isaalang-alang ang Section 4 at Section 10 ng batas sa lahat ng usaping may kinalaman sa pambansang seguridad. Ayon sa Section 4, bagama’t binibigyang diin ang proteksyon ng bansa, hindi ito maaaring gamitin bilang batayan para kanselahin ang pasaporte nang walang judicial authorization.

Tugon ito ni Ridon, sa gitna ng mga ulat ng umano’y pagkansela ng DFA ng ilang pasaporte dahil sa isyung pangseguridad.

Nanawagan si Ridon sa pamahalaan na igalang ang umiiral na batas at karapatan ng bawat mamamayan.