Inihayag ni Senador Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance na posibleng mabawasan ng ₱348 bilyon ang ₱625 bilyong budget na panukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.
Sa isang panayam sa Senado, sinabi ni Gatchalian na kabilang sa kaltas na ito ang ₱271 bilyong halaga ng mga proyektong natukoy niyang may “red flag.”
Ito ay mga proyektong walang malinaw na lokasyon, mga dobleng proyekto, mga proyektong hinati-hati, at mga proyektong inulit mula sa 2025 national budget.
Kasama rin sa posibleng bawasin ang 20% na over costing sa mga proyekto sa imprastraktura na iminumungkahi ng mga senador.
Gayunpaman, nilinaw ni Gatchalian na hindi pa ito pinal at hinihintay pa nila ang mga dokumento at detalye mula sa DPWH upang maipaliwanag ang mga proyektong may “red flag.”
Ipagpapatuloy ng Senado ang pagdinig sa panukalang 2026 budget ng DPWH sa Lunes, October 27, 2025.