Nakipagkasundo ang Department of Energy (DOE) sa Palawan State University (PSU) at Western Philippines University (WPU) para sa pagpapatupad ng P6.1-million scholarship at institutional assistance program na popondohan mula sa mga Petroleum Service Contracts (PSCs) sa Northwest Palawan Basin.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, layunin ng inisyatiba na tiyaking napakikinabangan ng mga lokal na komunidad ang yaman ng enerhiya ng bansa habang pinauunlad ang edukasyon sa Palawan.
Ang naturang programa ay magbibigay ng buwanang stipend at allowance sa mga estudyanteng malapit sa mga lugar ng operasyon ng PSCs at susuporta sa dalawang unibersidad.
Sinabi rin ni Garin na magsisilbi itong modelo para sa mga susunod na scholarship at assistance programs sa ilalim ng mga petroleum service contract.