Idineklara na ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert bago pa man ang pag-landfall ng bagyong Ramil ngayong araw ng Sabado, Oktubre 18.
Sa ilalim ng Code white alert, tuluy-tuloy ang monitoring ng Operations Center ng ahensiya.
Naka-antabay din ang mga gamot, medical equipment, at Health Emergency Response Teams para tumugon sa mga maaapektuhang rehiyon sa bansa.
Sa Bicol Region, ayon sa DOH, nakahanda na ang mga gamot, health commodities, first-aid kits, tents at breastfeeding kits. Gayundin, nakahanda na rin ang malinis na tubig at water containers na ipapamahagi sa mga evacuation center kabilang na ang emergency response teams upang maghatid ng agarang serbisyo.
Ito ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.
Matatandaan, ang Bicol Region ay matinding sinalanta ng nagdaang bagyong Opong.















