Nasa 26,430 pamilya o 98,091 indibidual na ang isinailalim sa pre-emptive evacuation dahil sa bagyong “Odette” mula sa apat na rehiyon.
Ayon kay NDRRMC Operations Center Chief Jomar Perez, pinakamarami sa mga ito ay ang mula sa CARAGA region na bumibilang ng mahigit 78,000 kasunod ang Region 8 na nasa mahigit 17,000; Region 7 na mahigit 2 libo; at Region 10 na nasa 300.
Sinabi ni Perez nagpapatuloy aniya sa ngayon ang paglilikas ng mga apektadong residente na bolunyaryo namang sumasama at kasalukuyang nanunuluyan sa 99 evacuation centers.
Iniulat ni Perez, sa ngayon dalawang road sections ang apektado at 59 seaports ang apektado.
Dalawang siyudad din ang nakakaranas ng power outages.
May natanggap na rin ang NDRRMC na report hinggil sa isinasagawang search and rescue operation sa ilang mga lugar na tinumbok ng Bagyong Odette.
Samantala, tiniyak naman ni Office of Civil Defense Deputy Administrator Asec Casiano Monilla na sapat ang bilang ng mga evacuation centers para masiguro ang physical distancing ng mga evacuees.
Paliwanag ni Monilla, maaga palang ay tinukoy na ng NDRRMC at mga LGU ang mga karagdagang pasilidad na maaring gamitin bilang evacuation at quarantine center, at may itinakdang maximum capacity para sa mga ito.
Dagdag pa ni Monilla, mga miyembro Lang ng iisang pamilya ang pinapayagang magsama sama sa isang tent o cubicle sa mga evacuation center bilang bahagi ng health protocols.