Inanunsyo ng Commission on Audit (COA) na magsasampa sila ng mga kaso ngayong buwan kaugnay ng umano’y “ghost” flood-control projects.
Kabilang sa mga maaaring maakusahan ay ang ilang opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga pribadong kontratista ng pamahalaan.
Sa pagdinig sa Senado, ipinaliwanag ni COA Auditor Tracy Ann Sunico na patapos na ang isinasagawang fraud audit laban sa mga kumpanyang nakakuha ng mga umano’y kaduda-dudang flood control project.
Ito ay matapos tanungin ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang COA kung bakit hindi agad na-flag ang mga proyekto bago ito nabayaran, tugon naman ni Sunico, naglabas na ng mga “notice of disallowance” ang komisyon laban sa mga kumpanyang hindi nagsumite ng disbursement vouchers, isang patunay ng tamang paggamit ng pondo.
Binanggit din niyang maraming kumpanya sa Bulacan ang nabigong magsumite ng naturang dokumento, at maaari silang kasuhan.
Noong nakaraang linggo, inatasan ng COA ang on-site inspection ng lahat ng flood-control projects sa Bulacan mula Enero 2022 hanggang Hulyo 2025, upang masuri ang mga natapos at kasalukuyang proyekto.
Samantala, sinabi ni Deputy Commissioner Larry Barcelo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magpapadala sila ng mga “letters of authority” sa 15 kontraktor na itinuro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakakuha ng halos 20% ng flood-control contracts sa bansa. Layon nito ang pagsisimula ng imbestigasyon sa kanilang tax compliance.
Nag-mosyon din si Senador Joel Villanueva na ipa-subpoena ang resulta ng fraud audit sa Senado, na agad namang inaprubahan ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Sen. Rodante Marcoleta.