Naglabas ang National Bureau of Investigation (NBI) ng panibagong dash cam footage na pinaniniwalaang naglalaman ng mga huling sandali ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral.
Ang naturang footage ay may markang December 18, 2025, ang araw kung kailan nasawi ang dating opisyal.
Kuha ito mula alas-3:25 ng hapon hanggang alas-3:26 ng hapon.
Makikita sa bagong footage ang isang babaeng naka-upo sa gilid ng kalsada, sa pagitan ng mga concrete barrier na direktang nakaharap sa malalim na bangin.
Sa timestamp na 15:25:37 ng footage, makikita ang nakaupong babae sa gilid ng kalsada na pinaniniwalaang si Cabral kung saan tugma ang suot nito sa huling suot ng dating opisyal.
Una nang naglabas ang mga otoridad ng CCTV footage sa Ion Hotel kung saan pansamantalang tumuloy sina Cabral at ang kaniyang driver sa araw ding iyon.
Sa naturang video, makikitang umalis ang dalawa sa kanilang room, pasado alas-2 ng hapon.
Kung babalikan ang naunang salaysay ng driver ni Cabral na si Ricardo Muñoz Hernandez, dakong alas-2 ng hanggang alas-3 ng hapon nang iniwan niya ang dating opisyal sa Kennon Road, Sitio Maramal, Camp 5, Barangay Camp 4, sa bayan ng Tuba, Benguet.
Nangyari ito aniya matapos silang manggaling sa Ion Hotel sa Baguio City.
















