Nanawagan si dating Senador Antonio Trillanes IV sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Ombudsman na imbestigahan ang P51 bilyong flood control projects sa distrito ni Davao City Rep. Paolo Duterte, na kinumpirma ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Sa kaniyang post sa X, sinabi ni Trillanes na ito umano ang pinakamalaking halaga ng nakurakot sa flood control controversy at hindi pa aniya humaharap ang mambabatas sa ICI, kaya may duda siyang may itinatago ito.
Aniya, dapat kunin ang lahat ng kontrata mula sa DPWH, kumpirmahin sa Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) kung nabayaran na, ipatawag ang mga kontratista, at inspeksyunin ang mga proyekto sa Davao City kasama ang district engineer.
Kailangang alamin din kung ang mga ito ay ghost projects o substandard at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga sangkot.
Nauna nang kinumpirma ni Cabral sa House committee noong Setyembre na nakatanggap ang distrito ni Duterte ng P51 bilyon sa flood control projects sa gitna ng pandemya, subalit itinanggi ni Rep. Duterte ang alegasyon laban sa kaniya.
















