Hindi pa masisimulan ang pagbuo ng isinusulong na Independent People’s Commission (IPC) ni Senate President Vicente “Tito” Sotto bago magtapos ang taon dahil mas nakatuon ngayon ang atensyon ng kongreso sa pagapruba sa 2026 General Appropriations Bill (GAA).
Ayon kay Sotto, nakatakdang aprubahan ang proposed budget bill na naglalaman ng P6.793-trillion national budget sa Lunes, December 29.
Matatandaan na una nang sinabi ni Sotto na bibilisan ng mga senador ang pagpasa sa panukalang IPC, na kabilang sa mga prayoridad adminmistrayon ngayon dahil sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Dagdag pa ng senador na maaring talakayin ang panukla sa senado bago ang Christmas break at maipasa naman ito sa susunod na taon.
Kauganay nito, iminungkahi ng mga mambabatas sa isinampang mga panukalang batas na bigyan ang IPC ng kapangyarihan na magpataw ng parusa o multa laban sa indibidwal na hindi sumusunod sa mga legal na kautosan, Gayundin ang pagkakaroon ng kakayahan na magsampa ng reklamo laban sa mga kawani o sinumang opisyal ng gobyerno na susubukan handlangan ang imbestigasyon laban sa katiwalian sa pamahalaan.
Samantala, nagpahayag naman ng suporta ang Department of Justice (DOJ) sa panukalang pagtatag ng bagong komisyon para sa mapalakas ang ginagawang pagsisiyasat sa kurapsyon sa gobyerno.
Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, nanatili din umanong handa ang kanilang ahensya para magsagawa ng mga imbestigasyon sa mga kaso ng katiwalian kabilang ang mga inirekomendang kaso sa flood control projects scandal ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
















