-- Advertisements --

Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ng mas malawak pang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control projects.

Ayon sa pastoral letter na nilagdaan ni CBCP president Cardinal Pablo Virgilio David, hindi lamang mga kontratista ang dapat managot kundi pati na rin ang mga mambabatas, inhinyero, auditor, at mga padrinong pulitiko na sangkot sa mga proyekto.

Binanggit din sa sulat ang panawagan ng sambayanan para sa pananagutan sa pangkalahatan. Saad ng mga ito, ang salitang “Mahiya naman kayo!” ay hindi lamang dapat ibinabato sa mga kontratista, kundi pati sa lahat ng nakinabang sa pandarambong.

Kinuwestiyon din ng CBCP ang kredibilidad ng mga imbestigasyon, dahil mismong mga institusyong nagsasagawa nito ay posibleng sangkot din. Dito kinuwestyon kung sino ang nagpasok ng mga proyektong ito bilang pork barrel, na kadalasan ay isinisingit kapalit ng pondo para sa edukasyon, kalusugan, at mga programang panlipunan?

Iginiit ng mga obispo na dapat ibalik sa kaban ng bayan ang nakaw na yaman, at sumuporta sila sa panawagan para sa isang independent committee na magsisiyasat sa mga anomalya. Hinikayat din nila ang mamamayan, lalo na ang kabataan, na gamitin ang digital platforms para sa pagbabantay, paglalahad ng katotohanan, at pagsusulong ng reporma.

Dagdag pa ng CBCP, ang laban kontra katiwalian ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan o negosyo, kundi para sa lahat, kasama na ang Simbahan.