-- Advertisements --

Tiniyak ng actress na si Nadine Lustre ang kanyang suporta para kay Naga City Mayor at dating Vice President Leni Robredo, sakaling magdesisyon itong tumakbo bilang Pangulo sa 2028.

Noong Oktubre, sinabi ni Robredo na magiging “unfair” para sa Naga kung gagamitin niya ang kanyang posisyon bilang “jump-off point” sa halalan.

Ngunit para kay Nadine, “sometimes, the best Presidents are those who don’t want to run.” Dagdag pa niya, kung magbabago ang isip ni Robredo at tatakbo muli, siya ay tiyak na susuporta at i-endoso ito.

“There’s no question about that. For me, she’s really the best candidate for the Presidency,” ani Nadine.

Noong Pebrero 5, nagkaroon ng pagpupulong ang ilang pangunahing oposisyon, kasama si Robredo. Nang tanungin kung itinuturing pa rin siyang frontrunner para sa 2028, sinabi ni Senator Bam Aquino, “Siyempre maraming nagnanais na tumakbo siya, but you have to ask her also kung anong plano niya.”

Samantala, sinabi ni Mamamayang Liberal Party List Representative Leila de Lima na umaasa siyang muling magdesisyon si Robredo na tumakbo sa pagka-Pangulo.

“We’re not losing hope na magbabago pa ang desisyon ni VP Leni na tumakbo ulit sa 2028. As for me, she’s the most winnable among potential opposition candidates,” ani De Lima.

Dagdag ng Kongresista na, “‘Pag mayroong clean and good governance, mababawasan significantly… at least it will be significantly reduced for sure kapag ang isang leader ay tunay na pinapairal ang clean and good governance.”

Ginawa ni Nadine at De Lima ang pahayag sa Kamara kahapon, matapos mag-file ng mga panukalang batas na naglalayong magtatag ng Animal Welfare Desk sa lahat ng istasyon ng pulis at lumikha ng Animal Welfare Ombudsman Unit para mapalakas ang pagpapatupad ng batas sa kaligtasan ng mga hayop.