Dadalhin dito sa Pilipinas ang relic ng kauna-unahang Millennial Saint ng Simbahang Katolika na si San Carlo Acutis mula Nobiyembre 28 hanggang Disyembre 15
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) News, bahagi ng pericardium o fibrous sac na bumabalot at nagpoprotekta sa puso ni San Carlo ang dadalhin sa bansa.
Kumpirmado ito ng Diocese of Assisi–Nocera Umbra–Gualdo Tadino kung saan ipagkakatiwala sa Friends of Blessed Carlo Acutis Philippines ang relic ng millennial saint.
Pangungunahan ni Bishop Dennis Villarojo ng Malolos ang pilgrimage sa relic.
Ayon sa grupo, ang pagdating ng relic ay isang makasaysayang pagkakataon ng pagbabagong-loob at pagdiriwang para sa Simbahang Katolika sa Pilipinas, lalo na sa kabataan at mga pamilya.
Ipinapaalala din nito ang mensahe ni San Carlo na ang Eukaristiya ang ating daan patungo sa langit.
Si San Carlo ay nakilala sa paggamit ng teknolohiya upang ipalaganap ang pananampalataya. Namatay siya noong 2006 sa edad na 15 dahil sa sakit na leukemia.
Opisyal na kinanonisa bilang unang millennial saint si Acutis nitong Linggo sa Roma, sa pamumuno ni Pope Leo XIV.