-- Advertisements --

“Patay na pero pinipilit pang buhayin.”

Ito ang naging pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon matapos makita ang hindi pa rin natatapos na protection wall sa bahagi ng Angat River, Brgy. Sipat, Plaridel, Bulacan.

Batay sa datos ng kagawaran, dapat ay 100% nang natapos ang proyekto noong Hunyo 2024 pa lamang dahil  nabayaran na rin ito ng higit Php96M. Ngunit nang personal na inspeksyunin ng kalihim ngayong araw, tumambad sa kanya na nagsimula pa lamang ang konstruksyon noong nakaraang buwan.


Tinuring ni Dizon na isang ghost project ang flood-control wall, dahil tila pinilit na lamang itong “buhayin” matapos magsimula ang imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood-control projects.

Mariin niyang kinondena ang insidente at binalaan ang Waowao Builders, contractor ng proyekto, na mananagot sila sa umano’y paglustay ng pondo ng bayan at pagpapabaya sa kaligtasan ng mga residente ng Bulacan.