ILOILO CITY – Tiniyak ng Local Governnment Unit (LGU)-Guimaras ang pagbibigay ng tulong-pinansiyal sa mga biktima ng tatlong tumaob na bangka sa Iloilo Strait.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Guimaras Governor Samuel Gumarin, sinabi nito na tinitingnan nila sa ngayon kung ano pa ang maaring maitulong ng lokal na pamahalaan sa mga biktima.

Ayon pa kay Gumarin, tutulong din sila sa mga gastusin sa pagpapa-embalsamo ng mga bangkay ng mga biktimang nagmula sa ibang mga probinsya kagaya ng pamilya Baguio na nagmula sa Cebu.

Umaasa rin ang gobernador na makapagpaabot ng tulong sa mga biktima ang national government.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang search and retrieval operations sa mga nawawala pang pasahero ng mga tumaob na bangka.

Narekober naman kanina ang isa pang bangkay na pinaniniwalaang pasahero ng MB Jenny Vince dahilan upang umakyat na sa 28 ang naitalang namatay sa trahedya.