-- Advertisements --

Muling bumisita sa Siquijor nitong Biyernes, Hunyo 27, si Department of Energy Secretary Sharon Garin para suriin ang sitwasyon ng kuryente sa isla.

Layon pa ng pagbalik nito sa isla ay para i-assess ang mga nagpapatuloy na government energy efficiency initiatives at suriin ang pagsunod ng Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) at ng Province of Siquijor Electric Cooperative, Inc. (PROSIELCO) sa mga direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr at sa national energy policies.

Sinabi ni Garin na ang naturang pagtungo niya sa isla ay minarkahan din ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOE at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Siquijor.

Aniya, binabalangkas ng kasunduan ang mga planong magbigay ng technical assistance para sa pag-deploy ng mga solar energy solutions sa mga government buildings.

Layon pa ng inisyatibang ito na palakasin ang kahusayan sa enerhiya sa pampublikong sektor sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga kagamitan na sumusuporta at nagtataguyod ng sustainable energy practices.

Binanggit pa nng kalihim na ito na ang kanyang pangatlong pagbisita sa isla kung saan noong Hunyo 11 lamang ay kasama itong bumisita ni Pangulong Marcos sa planta.

Binigyang-diin pa niya na patunay pa ito na tuloy-tuloy ang pagtutok ng pamahalaan para magkaroon ng maaasahan at sapat na kuryente para sa mga Siquijodnon.

Ikinatuwa naman nito na tila kumonti at mabibilang na lang ang mga interruptions na nararanasan sa isla na resulta umano ng pakikipagtulungan ng national government at ng lalawigan.