-- Advertisements --

Nanawagan si Cebu Governor Pamela Baricuatro sa mga pribadong indibidwal at organisasyon na ipadaan muna sa mga kinauukulang ahensya ang kanilang donasyon para sa mga naapektuhan ng lindol sa hilagang Cebu.

Ayon kay Gov. Baricuatro, labis na ang sikip ng trapiko patungong Northern Cebu, partikular sa mga bayan na malapit sa epicenter ng 6.9 magnitude na lindol sa Bogo City.

Dahil dito, bumabagal umano ang paghatid ng ayuda sa mga nangangailangan.

Dagdag pa niya, patuloy pa rin ang mga aftershocks sa lugar kaya hindi ligtas na basta-basta pumunta roon ang sinuman upang magsagawa ng sariling relief operations.

Paglilinaw naman ng gobernadora na wala umanong pamumulitika sa isinagawang relief operations at anuman ang Partido o political affiliations, lahat ng nasalanta ay bibigyan ng tulong.

Nagbabala rin ang opisyal laban sa pagpapakalat ng pekeng balita na maaaring makasagabal sa mga ginagawang hakbang para sa rehabilitasyon sa lugar.

Aniya, panahon ito ng pagkakaisa, hindi ng pamumulitika o disinformation.