Patuloy ang paggalaw ng bagyong Gorio sa direksyong kanluran-hilagang kanluran habang nananatili ang lakas nito sa nakalipas na anim na oras.
Ayon sa ulat, ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa layong 440 kilometro silangan ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 120 km/h malapit sa gitna, at bugso ng hangin na hanggang 150 km/h.
Kumikilos ito sa bilis na 25 km/h patungong kanluran-hilagang kanluran.
Ang lakas ng hangin mula sa bagyo ay umaabot hanggang 400 kilometro mula sa gitna, kaya’t inaasahan ang malalakas na pag-ulan at hangin sa mga apektadong lugar.
Itinaas na ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes, kung saan inaasahan ang mararamdaman na hangin sa loob ng 36 oras.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na nasa signal warning na maging alerto sa posibleng pagbaha, landslide, at pagkansela ng biyahe sa dagat.
Samantala, nakapagtala ng “hail storm” o pag-ulan ng yelo sa Metro Manila nitong Martes ng hapon.
Ayon sa mga residente, pinagkatuwaan ang maliliit na butil ng yelo sa Lagro, Quezon City bandang alas-3:30 ng hapon.
Makikita sa video na ibinahagi ni Neil Calinawan na halos kasing laki ng holen ang mga piraso ng yelo.
Kaya naman, malakas ang tunog nang tumama ang mga ito sa bubungan, kasabay ng pag-ulan na dala ng thunderstorm.
Naranasan din ang hailstorm sa Fairview, ayon sa isa pang video ni Kurt Camiguing.
Ayon sa state weather bureau, nangyayari ito kapag biglaan ang nagiging pagbabago ng panahon o temperatura, lalo na kung may presensya ng thunderstorm clouds.
Nitong umaga ay nagkaroon ng mainit na panahon, habang bandang hapon naman ay nakaranas ng biglaan at malakas na pag-ulan.