-- Advertisements --

Pitong pasyente ang nasawi sa San Lazaro Hospital sa loob lamang ng unang limang araw ng Agosto dahil sa leptospirosis, kabilang ang isang 16-anyos na binatilyo na nasawi dahil sa acute kidney failure.

Ayon sa medical center chief ng ospital, lahat ng nasawi ay lumusong sa baha dulot ng Habagat at mga bagyo. Aniya mas agresibo ang sintomas ngayon ng sakit, kung saan sa loob ng dalawa hanggang pitong araw ay nagkakaroon ng komplikasyon sa kidneys, atay, baga, at paghinga, kaya’t kinailangan agad silang i-ventilator.

Batay sa datos ng ospital as of August 5, may 45 leptospirosis patients ang naka-confine sa San Lazaro Hospital —15 dito ay mga menor de edad at apat sa kanila ang nasa intensive care unit (ICU).

Karamihan naman sa mga pasyente ay mula sa Metro Manila, Cavite, at Laguna, partikular na sa lungsod ng Maynila.

Nabatid din na karaniwang mga motorcycle rider ang mga pasyente na lumusong sa baha na may sugat o paltos sa paa.

Sa Marikina, nakapagtala rin ang Amang Rodriguez Memorial Medical Center ng 44 kaso ng leptospirosis hanggang nitong Agosto 5. Ibinabala naman ng mga doktor na mahalagang magsuot ng bota sa baha o uminom ng prophylaxis bilang pag-iingat.

Ayon sa Department of Health (DOH), mahigit 500 kaso na ng leptospirosis ang naitala noong Hulyo 2025.

Sa ngayon ay wala pang opisyal na bilang kung ilan sa mga ito ang dulot ng sunod-sunod na pag-ulan.