-- Advertisements --

Pinarangalan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tauhan ng BRP Suluan (MRRV-4406) sa isang seremonya na pinangunahan ni Admiral Ronnie Gil Gavan sa Pier 15, Port Area, Manila.

Ang pagkilala ay kaugnay ng kanilang matapang na pagganap ng tungkulin sa isinagawang Maritime Patrol sa paligid ng Bajo de Masinloc noong Agosto 10, kung saan naiwasan nila ang pagsugod ng Chinese vessels.

Sa halip na sila ang tamaan, ang dalawang barko ng China ang nagsalpukan.

Ayon kay Admiral Gavan, ipinakita ng mga tauhan ang walang kapantay na dedikasyon at sakripisyo para sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Kinilala rin niya ang West Philippine Sea Group sa mahusay na koordinasyon at operasyon ng impormasyon sa gitna ng patrol.

Aniya, “Bravo Zulu sa lahat—panatilihin ang pagiging kalmado, propesyonal, at matatag sa harap ng anumang hamon.”

Sakay ng BRP Suluan ang 43 katao, kabilang ang mga miyembro ng Coast Guard Medical Service, Special Operations Force, Angels of the Sea, at mga kinatawan ng media.

Ang misyon ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang teritoryong pandagat ng bansa.