Nagtamo ng minor damage ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Suluan nang bahagyang mahagip ng Chinese Navy warship na sumalpok sa barko ng China Coast Guard malapit sa Scarborough shoal kahapon, Agosto 11.
Ito ay matapos mayupi ang flagpole ng barko ng Pilipinas. Ligtas naman ang lahat ng crew na lulan ng barko ng Pilipinas matapos ang insidente.
Nang mangyari ang insidente nasa kasagsagan noon ng misyon ang PCG kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para mamahagi ng tulong para sa mga Pilipinong mangingisda sa Scarborough Shoal bilang parte ng Kadiwa Para sa Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) initiative.
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela umalis na sa Scarborough shoal ang BRP Suluan kaninang umaga habang nananatili naman sa karagatan ang BRP Teresa Magbanua.
Nitong Lunes, iginiit din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi aatras ang mga barko ng Pilipinas sa laban at sinabing matatapang ang mga Pilipino.
Binigyang diin din ng Pangulo na ginagawa ng uniformed personnel ng bansa ang kanilang tungkulin at misyon para depensahan ang Pilipinas at hindi aniya sila titigil na gawin ito.