-- Advertisements --

Nakikita ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibilidad na magamit ng China ang insidente ng banggaan sa Bajo de Masinloc bilang pangsuporta sa kanilang argumento na sila ay may soverign rights sa teritoryo ng bansa na nasa bahagi ng katubigan ng West Philippine Sea.

Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, magaling ang China sa paglalabas ng kanilang sariling bersyon ng storya at maging sa pagbabaliktad ng mga katotohanan kaya naman inaasahan na sa mga susunod na araw ay magkakaroon na ng pahayag ang China hinggil sa insidente.

Batay rin aniya sa mga nagdaang pahayag ng China, magaling din ang naturang bansa na manisi ng ibang nasyon sa halip na sisihin ang kanilang sarili.

Giit naman ni Tarriela, pinakamalakas na panlaban at pangontra nila ngayon sa mga argumento ng China ay ang pagbabahagi katotohanan na suportado ng mga videos at larawan sa publiko ng mga totoong pangyayari upang maiwasan ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon hinggil sa paglaban ng Pilipinas sa mga iligal na presensiya ng Chinese Coast Guards.

Sa kabila ng pambabaliktad ng naturang bansa bilang taktika ay nanindigan si Tarriela na wala nang makakatalo pa sa mga katotohanang kanilang inilabas na nagpapakita ng kanilang pagtindig laban sa mga illegal at dangerous maneuvers ng mga barko ng China.

Samantala, sa kabila naman ng insidente ay nanatili ang PCG vessels sa Bajo de Masinloc uoang magpaabot ng kanilang ayuda sa mga mangingisda gaya ng fuel subsidy at yelo para naman sa tuloy-tuloy na operasyon ng lokal na mangingisda sa naturang katubigan.

Tiniyak naman din ng PCG na patuloy nilang babantayan ang kaligtasan at seguridad ng mga mangingisda nang ligtas na makapag-hanapbuhay sa loob ng territorial waters ng Pilipinas.