-- Advertisements --

Magpupulong ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) para talakayin ang posibleng mga hakbang at taktika sa hinaharap.

Ito ay para malabanan ang patuloy na agresyon ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Ang hakbang na ito ay kasunod na rin ng nangyaring collision o pagsalpok ng barko ng Chinese Navy warship sa China Coast Guard vessel 3104 habang hinahabol at sinusubukang harangin ang barko ng Pilipinas na BRP Suluan na makalapit sa Scarborough shoal umaga noong Lunes, Agosto 11. Nagresulta ito ng pagkawasak ng forecastle o harapang parte ng CCG vessel.

Sa isang statement, sinabi ni AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. na kasama sa isasagawang conference ang matataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at PCG.

Hihingin din aniya ang gabay na magmumula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasunod ng insidente.

Ayon pa sa AFP chief, hinahayaan lamang aniya ng panig ng bansa ang China subalit ngayong nakikialam na ang Chinese Navy, iba na aniyang usapin ito.

Kabilang sa tatalakayin ang mga gagawing diskarte upang labanan ang ginagawa ng China na pagpigil sa mga barko ng Pilipinas na makalapit sa Scarborough shoal.

Ayon kay Gen. Brawner, ilan sa opsiyon para matugunan ang agresyon ng China sa rehiyon ay ang pagpapadala ng barkong pandigma sa WPS at sanib-pwersang paglalayag kasama ang mga kaalyadong bansa ng Pilipinas.