Plano ng Gilas Pilipinas na magsagawa muna ng friendly games sa bansa bago sila tumulak patungong Jeddah, Saudi Arabia para sa FIBA Asia Cup 2025.
Sinabi ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na hinihintay pa nila ang kumpirmasyon ng ilang bansa matapos na nila itong mapadalhan ng imbitasyon.
Nakatakda kasing magsimula ang FIBA Asia Cup sa Agosto 5 kung saan inaasahan din nito na matatapos ang PBA sa Hulyo 27 kaya may panahon pa sila para sa friendly game.
Mahalaga ang nasabing friendly games bilang bahagi ng paghahanda na rin sa mga koponan na makakaharap nila sa FIBA Asia Cup.
Noong nakaraang final window kasi ng Asia Cup Qualifiers sa Pebrero ay wala silang panalo at mayroong dalawang talo mula sa Taiwanese at New Zealand Tall Blacks.
Una rito ay inilabas na ng FIBA ang opisyal na schedule para sa Asia Cup 2025.
Magsisimula ang laban ng Gilas Pilipinas laban sa Chinese Taipei sa Agosto 6 ng alas-2 ng madaling araw.
Susunod na laban nila sa Group D ang world number 22 na New Zealand sa Agosto 7 ng alas-11 ng gabi oras sa Pilipinas.
Huling laban ng Gilas sa group stage ay laban sa Iraq Agosto 9 ng alas-4 ng hapon.