-- Advertisements --

Kumpirmado ni dating Senador Antonio Trillanes IV na itutuloy ni retired police Col. Royina Garma ang pagtetestigo nito laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Trillanes na si Garma ay nasa ilalim ng proteksyon ng ICC at handa nang tumestigo kaugnay sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa madugong kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Bagamat may ulat na humihiling ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Interpol na maglabas ng red notice laban kay Garma kaugnay sa isang hiwalay na kaso ng pagpatay noong 2020, iginiit ni Trillanes na hindi maaapektuhan ang kanyang testimonya.

Dagdag pa ng dating senador, hindi man naka kustodiya ng ICC si Garma, kwalipikado siya sa witness protection program ng korte, kung saan patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng mga testigo at nagbibigay ng tulong tulad ng relokasyon kung kinakailangan.

Si Garma, na dating hepe ng Cebu City Police Office at dating general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ay inaasahang magbibigay ng mahalagang impormasyon tungkol sa umano’y reward system at iba pang aspeto ng drug war na isinagawa sa ilalim ng dating administrasyon.