Inirekomenda ng forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun ang pagsasailalim muna sa x-ray sa bawat sakong narerecover sa Taal Lake na pinananiniwalaang naglalaman ng mga labi, bago tuluyang buksan.
Kung siya ang masusunod aniya, mas makabubuting isailalim sa x-ray ang mga ito dahil bawat piraso ng mga narerecover na bagay ay mahalaga para sa magiging resulta ng pagsusuri.
Maaari aniyang may matagpuan dito na bala ng baril, at iba pang bagay.
Gayunpaman, nilinaw ng batikang forensic pathologist na hindi pa kinukuha ang kaniyang serbisyo at wala siyang kaugnayan isasagawang laboratory test sa laman ng mga nai-ahon na sako mula sa lawa.
Una nang kinumpirma ni National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago na ang team ng ahensiya ang magsasagawa ng pagsusuri sa mga na-recover na sako.
Una nang sinabi ni Dr. Fortun na kung isasailalim ang mga ito sa masinsinang forensic investigation, gamit ang akmang forensic science, maaari pang makilala at matukoy kung kanino ang mga buto na unang na-recover.
Nagpahayag din ang eksperto ng pagkabahala sa ginawang paghawak sa mga labi habang ang mga ito ay nasa site pa lamang; pangunahin dito ang pagbukas sa pinakaunang sako na nai-angat mula sa lawa at tuluyang inilabas ang mga laman nito.
Sa ginawang proseso, tiyak aniyang nakukumpromiso ang scene at maaaring makaka-apekto sa pagsusuri. / Bombo Genesis Racho