Naisakatuparan na ang inaabangang “dream match” sa pagitan nina tennis spuerstars Roger Federer at Rafael Nadal sa semifinals ng French Open.

Ito’y matapos na magapi ni Federer si Stan Wawrinka sa apat na sets upang tanghaling pinakamatandang Grand Slam semifinalist sa loob ng 28 taon.

Dinomina ng 37-year-old Swiss ang kanyang kababayan 7-6 (7/4), 4-6, 7-6 (7/5), 6-4 upang maabot nito ang kanya ring ika-43 major semifinal at ikawalo naman sa Roland Garros.

“The complete dream would be to win the tournament,” wika ni Federer. “Other players won’t agree. It will be difficult, but I believe it anyway.”

Habang tinalo naman ng defending champion na si Nadal, na tinatangkang masungkit ang ika-12 nitong French Open title, si Kei Nishikori 6-1, 6-1, 6-3.

Nakalalamang si Nadal sa kanilang gead-to-head record ni Federer, 23-15, kahit nagwagi ang Swiss star sa huli nilang limang laban.

Hawak din ni Nadal ang 5-0 kontrol kontra kay Federer sa Roland Garros, kasama na ang panalo nito sa pinakahuli nilang pagtutuos sa Paris noong 2011 final.