Kinumpirma ng Philippine Navy ang posibleng paglipat sa Pilipinas ng Abukuma-class destroyer escorts ng Japan Maritime Self-Defense Force (JMSDF).
Sa isang statement, sinabi ng PN na nagsasagawa na ng mga paghahanda para sa Joint Visual Inspection ng mga barko kasunod ng opisyal na imbitasyon mula sa Japan’s Ministry of Defense.
Ang plano umanong inspeksiyon ay bahagi ng mga binabalak na paguusap sa posibleng paglilipat ng naturang naval assets sa Pilipinas.
Saad pa ng PN na ang naturang destroyers na idinisenyo para sa anti-submarine at anti-ship warfare ay nakahanay sa operational requirements ng Hukbong Dagat ng Pilipinas sa pagprotekta ng maritime domains ng ating bansa.
Ayon pa sa PN, magpapadala sila ng delegasyon ng naval experts mula sa Pilipinas para magsagawa ng malalimang pagsusuri sa mga barko.
Ang kalalabasan ng inspeksiyon ang siyang magiging basehan aniya para sa deliberasyon ng posibleng acquisition ng mga barko at sa modernization efforts ng PN.
Sumasalamin aniya ang inisyatibang ito sa pagpapalalim pa ng partnership sa pagitan ng PH at Japan at nagpapatibay ng pangako para sa maritime security, interoperability, kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Ginawa ng PN ang pahayag matapos iulat sa isang pahayagan sa Japan na nakatakdang i-export ng Japan ang nasa 6 na Abukuma-class destroyer escorts sa Pilipinas.