Posible umanong tuluyan nang maging ganap na batas ang panukalang batas na magtatatag ng national minimum wage system sa bansa ngayong 20th Congress.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Ka-Mangagawa Partylist Rep. Eli San Fernando, nasa committee level na ang kaniyang panukalang batas, at posibleng sa unang quarter ng kasalukuyang taon ay maisasalang na ito sa plenaryo.
Posible rin aniyang tuloy-tuloy na itong isasalang sa ikalawa at ikatlong pagbasa ng Kamara, lalo na at marami ring mga mambabatas ang una nang nagpapakita ng kanilang suporta.
Napapanahon na aniyang magkaroon ng isang national minimum wage system na magbubuwag sa provincial rate dahil pare-parehong apektado sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at bayad sa serbisyo ang lahat ng mga probinsiya.
Hindi rin makatwiran aniya na pinapanatili ang mas malaking sahod sa Metro Manila habang napakaliit naman ang sinasahod ng mga mangagawa sa iba’t-ibang probsinsiya.
Nilinaw din ng mambabatas na may tatlong taon na transition period kung sakaling tuluyan itong maging ganap na batas.
Aniya, walang dapat ikabahala dito ang mga negosyante dahil dahan-dahan itong ipatutupad upang hindi mabigla ang PH market at hindi magkaroon ng malawakang negatibong epekto sa iba’t-ibang sektor.
















