-- Advertisements --

Muling inilathala ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa social media ang “Most Wanted” list sa human trafficking kung saan kabilang si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at dalawa pang miyembro ng sekta.

Sa inilabas na notice ng FBI Dallas, kasama ni Quiboloy sa mga indibidwal na nasa Most Wanted list ang dalawa pa niyang kasamahan na sina Teresita Tolibas Dandan at Helen Panilag.

Dito, iniuri sina Quiboloy, Dandan at Panilag bilang mga puganteng akusado sa matagal ng pinapatakbong human trafficking scheme.

Nanawagan ang bureau sa sinuman na may impormasyon sa mga nabanggit na indibidwal na tumawag sa 1-800-CALL-FBI, tumawag sa pinakamalapit na embahada ng Amerika o sa Konsulada o maaaring magbigay ng tip online.

Ang panibagong panawagan para sa impormasyon tungkol kay Quiboloy ay sa gitna ng inaantay ng gobyerno ng Pilipinas na formal request mula sa Amerika para i-extradite ang pastor, na inaresto sa Davao noong Agosto 2024 at kasalukuyang nakadetine sa Pasig City Jail.

Noon lamang araw ng Huwebes, personal na dumalo si Quiboloy sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kaniyang kasong human trafficking sa Pasig Regional Trial Court.

Matatandaan, isinama ng FBI sa most wanted list si Quiboloy matapos siyang masakdal sa California sa kasong sex trafficking, fraud at smuggling ng bultong halaga ng pera noong 2021.

Nauna ng sinabi ni Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez noong nakalipas na taon na mayroon ng extradition request para kay Quiboloy subalit inaantay pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang formal note verbale. Inihayag din ng envoy na nakadepende na sa pagpapasya ng Department of Justice kung papayagang ma-extradite si Quiboloy sa Amerika sa kabila ng mga nakabinbing kaso niya dito sa Pilipinas.