-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Lawyers For Commuters Safety and Protection na dapat magkaroon ng maayos na balanse ang pangangailangan ng transport groups at kalagayan ng mga commuters hinggil sa petisyong dagdag-pasahe.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Atty. Albert Sadili, Spokesperson ng Lawyers For Commuter’s Safety and Protection (LCSP), sinabi nitong naiintindihan nila ang mga dahilan ng mga transport group sa hinihinging fare hike lalo na’t sa mga nakaraang linggo, tumaas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Gayunpaman, sinabi pa ni Atty Sadili na sa kabila ng pangyayaring ito at para na rin sa kapakanan ng mga commuters ay sana’y hindi masyadong mataas ang ipataw na fare hike.

Naninindigan pa ito sa kanilang posisyon na sana’y P1 lamang ang dagdag sa pamasahe dahil kung mas mataas pa nito ay malamang magdudulot ng karagdagang pasanin sa mga commuters at maaaring magresulta pa ng pagkawala ng kita para sa mga jeepney drivers.

Aniya, mahihirapan din ang mga jeepney drivers kung magpapatuloy ang pagtaas ng kanilang gastos sa operasyon.

Sa ganitong sitwasyon pa, maaari umanong magdulot ito ng mas malalang epekto sa mga pampasaherong biyahe, at posibleng maging dahilan para hindi na magpatuloy ang ilang drivers sa pamamasada.

Patuloy pa aniya nilang ipaglalaban ang isang solusyon na hindi para lamang sa isang sektor kundi sa lahat ng apektadong partido.