Posible pa rin umanong payagan sa pagbubukas ng klase sa Agosto ang face-to-face classes sa mga nasa malalayo at liblib na lugar sa Pilipinas.
Paliwanag ni Department of Education (DepEd) Usec. Diosdado San Antonio, malayo raw kasi sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nasabing mga lugar, kaya maaaring gamitin ang face-to-face component ng blended learning.
Puwede rin aniyang bisitahin nang personal ng mga guro sa mga liblib na lugar ang kanilang mga mag-aaral lalo pa’t hindi naman daw lahat ng mga estudyante roon ay may access sa mga gadgets para sa online classes.
Binigyang diin ni San Antonio, dapat lamang na magpatupad ang kagawaran ng mga alternatibong paraan ng pagtuturo na hindi pa nagagamit bago ang COVID-19 pandemic para matiyak na hindi maaabala ang edukasyon ng mga bata sa kabila ng health crisis.
Sa mga lugar naman kung saan may mga magulang na hindi kumpiyansa sa pagtuturo sa kanilang mga anak, maaari naman daw humingi ng tulong ang mga ito sa mga volunteers sa komunidad.
Una rito, binigyang-diin ni DepEd Sec. Leonor Briones na kahit na itinakda ang pagbubukas ng klase sa Agosto ay hindi pa rin papayagan ang pagkakaroon ng “face-to-face classes” dahil na rin sa banta ng COVID-19.