LAOAG CITY – Itinuturing ni Mr. Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation na ang kasalukuyang minimum na sahod ay hindi sapat para sa mga manggagawa sa bansa.
Ayon sa kanya, hindi na binibilang ng gobyerno sa pamamagitan ng National Wage Productivity Commission ang pang-araw-araw na sahod sa pamumuhay ng pamilya.
Batay aniya sa kanilang kalkulasyon, 1,144 pesos ang daily family living wage para sa region one.
Ipinaliwanag niya na sa kabuuan ng lahat ng rehiyon sa bansa kabilang ang National Capital Region ay kulang na kulang ang sahod.
Dahil dito, para kay Africa ay napakalaking problema ng bansa hinggil sa sahod ng mga manggagawa na isang bagay na kailangang tugunan ng gobyerno.
Kaugnay nito, base sa kanilang pagsasaliksik, may mga pagkakataon na mas mataas ang presyo ng mga consumer goods sa Metro Manila kumpara sa mga probinsya.
Gayunpaman, may pagkakataon din aniya para sa mas murang presyo ng mga produkto sa lalawigan kumpara sa Metro Manila.
Dagdag pa niya, ang nakikita niyang solusyon para maibsan ang hirap na dinaranas ng masang Pilipino ay ang pagtaas ng sahod ng mga manggagawa.