LAOAG CITY – Nasunog ang ikalawang palapag ng tindahan sa bayan ng Pasuquin dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon kay Fire Inspector Roy Bonoan, Municipal Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection sa Pasuquin, tumagal ng halos dalawang oras ang sunog kung saan nagsimula ito ng alas-9:37 ng umaga at idineklarang fire out alas-12:15 ng tanghali.
Mabilis umanong kumalat ang apoy dahil sa mga papel at karton sa loob ng dating Post Office na sinasabing nagmulan ng sunog.
Aniya, apat na fire truck mula sa Bureau of Fire Protection sa Pasuquin, Bacarra, Vintar at Laoag City ang nagtulungan sa pag-apula ng apoy.
Paliwanag niya, sabay-sabay na nilamon ng apoy ang lahat ng stalls sa ikalawang palapag kabilang ang tailoring shop, pawnshop, printing shop at iba pa.
Gayunpaman, walang naitalang nasugatan o nasawi dahil ang mga tindera sa palengke kabilang ang mga mamimili ay mabilis na nagsitakas at agad na lumikas nang magsimula ang sunog.
Hindi pa rin pinapayagang makabalik sa ikalawang palapag ang mga market vendor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sinabi ni Fire Inspector Bonoan na hindi pa nila matukoy ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala.
Kaugnay nito, ipinaalam ni Mayor Robert Aguinaldo na makikipagpulong siya sa mga opisyal ng bayan para magbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog.
Samantala, inihayag ni Vice Mayor Kit Aguinaldo na magkakaroon ng special session para pag-usapan ang paglilipat ng mga market vendors sa itinatayong bagong palengke.
















