Isa pang dating mataas na opisyal ng American military ang bumanat sa naging banta ni President Donald Trump na gagamitin daw nito ang tropa para supilin ang mga kilos protesta sa Estados Unidos.
Kaugnay pa rin ito sa reaksyon ng mga mamamayan sa marahas na pagkamatay ng Black American na si George Floyd.
Ayon kay dating Joint Chiefs of Staff Chairman Gen. Martin Dempsey, sobrang nakababahala at mapanganib daw ang binitawang mga pahayag ni Trump.
“The idea that the president would take charge of the situation using the military was troubling to me,” wika ni Dempsey.
“The idea that the military would be called in to dominate and to suppress what, for the most part, were peaceful protests – admittedly, where some had opportunistically turned them violent – and that the military would somehow come in and calm that situation was very dangerous to me,” dagdag nito.
Si Dempsey ay umupo bilang pinuno ng US Armed Forces sa ilalim ni dating US President Barack Obama noong 2011 hanggang 2015.
Una na ring kinondena ng dating Defense secretary ni Trump na si James Mattis ang hakbang na ito ng American chief executive.
Giit ni Mattis, imbes na magkaisa ang mamamayan ng Amerika ay mas lalo lamang umano itong nahahati dulot ng hindi maayos na pamumuno ni Trump sa kanilang bansa.
Labis din daw ang nararamdaman nitong galit at pagkabahala sa pangangasiwa ni Trump sa mas lalong nagiging bayolenteng kilos-protesta sa iba’t ibang mga lungsod at estado.
Una nang dumipensa si Trump kung saan ipinaliwanag nito na ipapadala niya raw ang militar sakaling walang gawing aksyon ang isang lungsod o estado para pangalagaan ang kanilang mga mamamayan kontra sa mga demonstrasyon. (BBC)