Sumampa na sa 24 katao ang bilang ng mga nasawi bunsod ng mapaminsalang mga pagbaha sa Texas, USA.
Nag-iwan din ito ng maraming mga nawawalang batang babae mula sa Christian summer camp.
Bunsod nito, patuloy ang isinasagawang malawakang search and rescue operation sa estado. Kabilang sa pinaghahanap ang 25 bata na kabilang sa 750 na batang babae na dumalo sa Camp Mystic sa labas lamang ng Kyrrville town sa hilagang-kanluran ng San Antonio, siyudad sa Texas.
Nagtaas na rin ng warning kasabay ng pagtaas ng lebel ng tubig mula sa Guadalupe River sa 26 feet nang wala pang isang oras at mga pagbaha na tumangay sa mga mobile homes, mga sasakyan at holiday cabins kung saan ginugol ng mamamayan doon ang kanilang July 4 weekend kasabay ng Independence day ng Amerika.
Idineklara na rin ang State of Calamity sa ilang counties kabilang na ang Hill Country at Concho Valley regions kung saan ilang mga kalsada ang nawash-out at may mga bumagsak na linya ng komunikasyon.
Tinawag naman ni US President Donald Trump ang trahediya na “shocking” at “terrible”. Kaugnay nito, nangako ang White House ng pagbibigay ng karagdagang tulong sa mga apektado ng mapaminsalang mga pagbaha sa estado.
Ipagpapatuloy naman ang paghahanap sa mga biktima gamit ang mga helicopters, drones at mga bangka hanggang sa ma-account lahat ng mga nawawala.