Nagbanta si U.S. President Donald Trump na magpapataw ng karagdagang 10% taripa sa mga bansang susuporta o kakaalyado ng BRICS (Brazil, Russia, India, China, at South Africa) na tinawag niyang tagapagtaguyod ng “Anti-American policies.”
‘Any Country aligning themselves with the Anti-American policies of BRICS, will be charged an ADDITIONAL 10% Tariff. There will be no exceptions to this policy. Thank you for your attention to this matter!,’ post ni Trump sa kanyang Truth Social.
Ginawa ni Trump ang pahayag ilang oras matapos ang pagbubukas ng BRICS summit sa Brazil, kung saan nagtipon ang mga lider mula sa mga bansang Brazil, Russia, India, China, South Africa, at mga bagong miyembro nito tulad ng Egypt, Ethiopia, Indonesia, Iran, at UAE.
Humigit-kumulang 30 bansa pa ang nagpapahayag ng kanilang interes na makiisa sa grupo.
Sa kanilang joint statement, binatikos ng BRICS ang tumataas na taripa sa pandaigdigang kalakalan, kasabay ng panawagan para sa multilateralism. Ayon kay Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva, ang BRICS ay minana ang Non-Aligned Movement noong Cold War.
“BRICS is the heir to the Non-Aligned Movement,” wika ni Lula. “With multilateralism under attack, our autonomy is in check once again,” dagdag nito.
Hindi naman nilinaw ni Trump kung anong partikular na polisiya ng BRICS ang tinutukoy niyang “anti-American.”
Nakatakda rin siyang magpatupad ng iba pang retaliatory tariffs sa Hulyo 9 kung hindi matapos ang kasalukuyang mga negosasyon sa kalakalan.
Samantala, nakatakda namang bumisita sa Washington ang economic minister ng Indonesia kaugnay sa pag-uusap ukol sa taripa, habang hindi pa nagbibigay ng pahayag ang India.