Pinatunayan ng five-time champion na Brazil ang kanilang dominasyon sa football field matapos talunin ang Scotland sa laban ngayong Hunyo 25, sa iskor na 3-0.
Ang panalo ng Brazil ay nagsilbing selyo upang makuha nila ang pinakamataas na puwesto sa Group C.
Pitong minuto pa lamang sa unang bahagi ng laro ay agad nang nagpakitang-gilas ang pambato ng Real Madrid na si Vinícius Júnior, matapos samantalahin ang pagkakamali ng depensa ng Scotland para maitala ang unang goal, 1-0.
Bago matapos ang first-half stoppage time, muling umiskor si Vini Jr. para sa kanyang brace, dahilan upang lumaki ang kalamangan ng South American powerhouse sa 2-0.
Pagpasok ng ika-60 minuto sa ikalawang bahagi, tuluyan nang tinambakan ng Brazil ang Tartan Army nang ipasok ni Matheus Cunha ang ikatlo at huling goal ng laban, sa tulong ng isang assist mula sa kalabang koponan.
Dahil sa panalong ito, pasok na ang Brazil sa Round of 32 bilang Group C leader. Samantala, hawak ng Scotland ang 3 puntos at naghihintay kung makakapasok bilang isa sa mga best third-placed teams sa nagpapatuloy na World Cup.















