Inanunsiyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na ang pagre-repair sa nasirang floodgate sa may Navotas ngunit kinumpirma na rin ng kagawaran na ito ay tuluyan ng papalitan bilang bahagi ng pangmatagalang programa para sa pag-kontrol sa baha.
Bagama’t muling napagana ang floodgate matapos itong ayusi, binigyang-diin ni DPWH Secretary Manuel Bonoan na ang lumalalang kondisyon nito at luma nang mga bahagi ay dahilan para ito’y palitan na nang buo upang masiguro na magagamit pa rin ito kahit may malalang pagbaha.
Nakikipag-ugnayan na ang departamento kay Navotas City representative Toby Tiangco para sa pag-aaral ukol sa pagtatayo ng bagong floodgate na mas angkop sa pagprotekta sa mga komunidad laban sa pagtaas ng tubig-dagat at pagbaha mula sa loob ng kalupaan.
Ayon pa kay Bonoan, hindi pa maaaring gibain ang kasalukuyang estruktura dahil patuloy itong ginagamit sa regulasyon ng tubig sa Navotas at mga karatig-lugar.
Dagdag pa niya, mahigpit na binabantayan at regular na minementina ang floodgate habang inaayos pa ang mga pangmatagalang plano para rito.
Samantala, bilang suporta sa mga hakbang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagpigil ng pagbaha, isinasailalim sa rehabilitasyon ng DPWH ang mga pangunahing pumping station.
Ayon kay Bonoan, bumubuo na rin ang kagawaran ng mga impounding structure sa kabundukan ng Sierra Madre upang mabawasan ang dami ng tubig na dumadaloy patungong mga bahaing lugar tulad ng Navotas. Kasalukuyan nang isinasagawa ang mga plano para sa tatlong panukalang dam.