-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mag-uumpisa na ang nais nitong maisakatuparan na planong technical diving operation sa Taal Lake.

Ito’y upang mahanap ang posibleng labi ng mga nawawalang sabungero na sinasabing inilibing umano sa naturang bahagi ng lawa.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang pagsasagawa ng naturang pagsisid sa Taal Lake ay mag-uumpisa na anumang araw ngayong linggo.

Pangungunahan ito ng mga ahensiya ng gobyerno sa tulong ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na siyang una ng inihayag ang kanilang kahandaan para sa operasyon.

Ngunit kanyang nilinaw naman na ito’y hindi kaugnay sa kanilang hininging asiste mula sa gobyerno ng bansang Japan para sa karagdagang kagamitan.

Paliwanag ng naturang kalihim na kakapadala pa lamang ng sulat noong nakaraang linggo kaya’t ngayon pa lamang nila inaasahan na matanggap ang ipapadala naman nitong kasagutan.

Dagdag pa ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi maisasantabi ang posibilidad na maaring may ibang lokasyon din kung saan inilibing ang mga nawawalang sabungero.

Ngunit sa kabila nito’y kanyang binigyang diin na malakas at matibay ang kanilang pinanghahawakan na impormasyon kung saan dapat isagawa ang technical diving operation.

Maaalala na una ng ibinunyag ng lumantad na testigong si alyas ‘Totoy’ na may pangalang Julie ‘Dondon’ Patidongan ang naturang rebelasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero.

Kanya kasing isinawalat na inilibing umano ang mga biktimang sabungero sa bahagi ng Taal Lake matapos patayin.

Kaya’t bunsod nito’y nais ng Department of Justice na matukoy kung mayroon nga bang mga labi na maaring matagpuan sa lokasyon ng naturang lawa.