Sugatan ang dalawang hinihinalang drug suspeks habang arestado ang tatlong iba pa matapos ang isinagawang magkahiwalay na drug buy bust operations ng District Drug Enforcement Unit ng Quezon City Police District (QCPD).
Ayon kay QCPD director B/Gen. Remus Medina, unang inilunsad ang operasyon sa bahagi ng La Loma kung saan, naaresto ang tatlong drug suspeks kabilang na si Katherine Santos alias Kat-Kat na dati umanong miyembro ng Baywalk bodies.
Gayundin ang dating miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Fidel Samson Jr alias Jake at isang Victor Ronquillo.
Samantala, sugatan naman ang dalawa pang kasama ng tatlo na sina Luza Cuenco at Ferdinand Parado matapos tangkaing tumakas at makipagbarilan sa mga operatiba ng QCPD sa bahagi ng Sta. Cruz, Maynila.
Nasabat sa kanila ang nasa 120 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P816,000, kalibre .45 baril at ang kulay itim na SUV na kanilang ginamit.
Inihahanda naman na ng mga otoridad ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.
Kasalukuyang nakakulong ngayon ang mga suspeks sa detention facility ng Quezon City Police District.
Siniguro naman Gen. Medina na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga.
Samantala, nagbabala naman si NCRPO chief MGen. Felipe Natividad sa iba pang mga suspeks na manlaban at nais tumakas habang sila ay inaaresto ng mga pulis na hindi mag-aatubili ang mga pulis na ipatupad ang batas lalo at kung may banta rin sa kanilang buhay.