-- Advertisements --

Mariing itinanggi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo ang alegasyon ng panunuhol na isinampa laban sa kaniya ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste.

Una rito, si Calalo ay inaresto sa isang entrapment operation sa Taal, Batangas noong Agosto 22 matapos umanong mag-alok ng P3.1 milyon kay Leviste upang pigilan ang imbestigasyon sa mga flood-control projects sa distrito.

Gayunpaman, sa kabila ng pagkakaaresto at pansamantalang suspensiyon mula sa DPWH, nanindigan si Calalo na walang katotohanan ang mga paratang at handa siyang harapin ang mga kaso sa korte.

Samantala, iminungkahi ni Rep. Leviste na maging state witness sana si Calalo upang tuluyang mabunyag ang umano’y sistematikong katiwalian sa loob ng DPWH.

Pinuri naman ng ibang mambabatas si Leviste, habang nanawagan ang mga ito na ipatawag ang DPWH official sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee upang mas mapalalim ang imbestigasyon sa mga anomalya sa flood-control projects.

Sa ngayon, nakalaya si Calalo matapos maglagak ng piyansang P60,000 habang hinihintay ang pormal na pagsasampa ng kaso.