-- Advertisements --

Nagsagawa ng surprise inspection ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa mga sasakyan ng police personnel at mga bisita na nasa Kampo Crame sa Quezon City.

Ito ay kasunod ng kautusan ni HPG director Col. Hansel Marantan, upang matiyak na walang police office ang gumagamit ng mga ninakaw at narerecover na sasakyan.

Nais ding tiyakin ng HPG na ang lahat ng mga driver at pulis na bumibisita sa Crame ay may balidong lisensiya, updated registration, atbpang kaukulang dokumento.

Hanggang 500 motorsiklo at 300 sasakyan ang nasuri ng naturang police unit, kung saan anim ang natukoy na may violation.

Kabilang dito ang hindi pagdadala ng Certificate of Registration, updated Official Receipts, at mga lisensiya.

Batay sa official report ng HPG, walang nakita na na-karnap o recovered vehicles sa mga sinuring sasakyan ngunit ilan sa mga private car na nakapasok sa loob ng police camp ay gumagamit ng unauthorized accessories at insignia.

Magpapatuloy din ang naturang inspection bilang bahagi ng pagtiyak ng HPG na lahat ng mga pulis na naka-assign sa Crame ay sumusunod sa traffic and registration laws ng bansa.