Iniutos ni Police chief acting Lt Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang full-scale manhunt laban sa gunman na responsable sa pagpaslang sa dating beauty queen at guro na si Lullete Jane Ramilo-De Guzman sa Isabela.
Si Ramilo-De Guzman, isang dating Ms. Philippines-Earth runner-up, ay nasa loob ng kanyang sasakyan kasama ang kanyang mga anak nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Cabaritan, San Manuel noong Pebrero 13.
Ayon kay Nartatez, inatasan niya ang pulisya sa Cagayan Valley na tukuyin ang motibo sa likod ng pag-atake at pabilisin ang pagkilala at pag-aresto sa mga responsable.
Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng San Manuel ng P50,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong magtuturo sa pagkakaaresto ng mga salarin.
Nagbigay din ng tig-P50,000 ang tanggapan ni Rep. Faustino Michael Dy at si Board Member Manuel Faustino King Dy, kaya umabot na sa kabuuang P150,000 ang reward money.
Sa hiwalay na insidente, iniutos din ng PNP chief ang manhunt laban sa suspek sa pagpatay kay Antonio Mendeja, direktor ng Oriental Mindoro Electric Cooperative.
Binabaril si Mendeja sa Pinamalayan, Oriental Mindoro matapos huminto sandali upang tingnan ang kanyang sasakyan.
“Strong words of condemnation against these cowardly attacks are not enough. We will focus on identifying and arresting all those involved in these two killings in the interest of justice and the rule of law,” ani Nartatez sa isang pahayag.
Inatasan din ng PNP chief ang lahat ng police commanders sa buong bansa na paigtingin ang crime prevention measures, kabilang ang paglalagay ng checkpoints, mas mataas na police visibility, at trategic deployment ng mga tauhan sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operation (EMPO).
Dagdag pa niya, dapat samahan ito ng mas pinaigting na operasyon laban sa loose firearms at masusing pag-monitor sa mga wanted persons.















