Ibinasura ng International Criminal Court Appeals Chamber ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na diskwalipikahin si Chief Prosecutor Karim Khan at sinabing hindi nakikitaan ng pangangailangan na gawin pa ito dahil masyado nang late ang naging request.
Paliwanag ni Principal Counsel Paolina Massidda, ang depensa ng kampo ni Duterte ay bigong magpakita na ang kanilang mga pagtutol ay nakakatugon sa mahigpit na mga kondisyon para sa isang disqualification na itinakda sa Rome Statute, ang kasunduan na nagtatag ng International Criminal Court (ICC).
Inihayag rin niya na si Khan ay kasalukuyang nakabakasyon na habang hinihintay ang resulta ng isang external investigation mula sa United Nations Office of Internal Oversight Services (UNOIOS) tungkol sa mga alegasyon na may kaugnayan sa umano’y misconduct.
Ayon pa kay Massidda, isang hindi maikakailang katotohanan na si Khan ay hindi na nakaluklok sa pamumuno ng Office of the Prosecutor, at hindi na rin siya nagpapakita ng kanyang awtoridad alinsunod sa batas.
Samantala, inilatag ito ni Massidda bilang bahagi ng kanilang tugon sa mga pagtutol na isinampa ng depensa ng kampo ni Duterte, na naglalayong kuwestiyunin ang kredibilidad at awtoridad ni Khan sa kasalukuyan.
Nilinaw naman ni Khan na wala umanong kaalaman ang prosecutor tungkol sa anumang nakaraang kaso at nanindigang walang sapat na basehan ang request ng kampo ni FPRRD na i-disqualify siya sa naturang kaso.